Wednesday, August 1, 2012

Ang Batang Pulubi: Isang maikling kwento


Ang Batang Pulubi
ni Margarita Andrea Mahor

Malakas ang pagihip ng hangin. Halos matangay na nito ang mga punong pilit na kumakapit sa lupa. Maraming mga natangay na mga sanga ng puno. Kahit mga tarpolin at mga basura, nakakalat sa mga daan. Baha na din ang mga daan dahil sa sobrang daming nakabara sa mga kanal. Unti unting nang lumiliwanag dahil sa pagsikat ng araw, ngunit hindi ito natatanaw dahil sa dami ng ulap na tumatakip dito.
Gumising ang isang bata na natutulog sa tabi ng kalsada. Inayos nya ang kanyang pinaghigaan na gawa lamang sa karton ng mga “tetrapack juice”. Tuyo naman ito kahit papano dahil namalagi sya sa ilalim ng isang “waiting shed”. Tiniklop niya ito, at inilagay sa isang supot na tinago nya sa ilalim ng kanyang higaang karton. Kulang na lang ang kanyang plastik na baso na ginagamit niya sa paghingi ng mga barya sa mga taong naglalakad, ngunit hindi nya ito mahanap. Sa sobrang lakas siguro ng ulan ay natangay na ito. Kailangan maghanap ulit ng bagong baso.
Nagsimula na syang maglakad habang hindi pa umuulan.  Nakakita sya ng isang tambak ng basura sa isang tabi. Malapit pa ito sa isang kainan. Baka sakaling meron itong mga tinapon na plastik na baso. Nagsimula syang maghanap. Nang sya’y nakahanap na, kinuha na nya ito at nagbakasakaling may pagkain na ding mahahanap sa basurang nasa harap nya. May nakita syang isang “take-out” na lalagyan. Binuksan nya ito. Nakakita ito ng mga buto ng manok. Walang natirang laman. Naghanap pa sya. Bumabaho ng bumabaho ang amoy habang hinahalukay pa nya ang malaking supot ng basura. Amoy bulok, amoy tae, amoy ihi, amoy patay, lahat na ng amoy na hindi maganda. Ngunit tila parang wala lang sa bata. Parang sanay na itong makaamoy ng basura. Pagkatapos ng pagbukas ng ilan pang mga lalagyan, nakakita sya ng isang may tira pang kalahating spageti. Napangiti ang bata at tila natuwa at nakakita na sya ng kanyang almusal. Kinuha na nya ang lalagyan at lumayo sa basurahan. Umupo sya sa tabi ng isang poste at dun na pinagsaluhan ang kanyang nakuhang pagkain. Nang sya’y matapos, ibinalik na nya ang lalagyan sa supot ng basurang pinagkuhanan nya nito. Kahit na hindi man ito nakakabusog, masaya na din syang may nakain sya.
Hindi pa din bumubuti ang panahon. Makulimlim pa din at wala pa din sa kalangitan ang araw. Malakas pa din ang hangin at paambon-ambon. Nagsimula nang maglakad ang bata. Nakita nya ang isang estasyon ng tren. Naisip nyang maraming tao dun, baka maraming maawa sa kanya at bigyan sya ng kahit kaunting barya. Naghanap sya ng magandang pwesto na dinadaanan ng mga tao. Umupo sya at nilabas na ang plastik na baso. Pumosisyon na sya at nagsimulang maghintay at humingi ng barya sa mga dumadaan sa harapan nya.
  Nakalipas ang apat na oras at gumising ang bata. Di nya napansin na nakatulog pala sya. Nang tinignan nya ang kanyang baso, isang 5 piso ang laman, at dalawang 1 piso. Natuwa sya sa kaunting barya na kanyang nakuha. Makakabili na ito ng pagkaing mura lang. Nanatili sya sa kanyang pwesto, umaasang baka mayroon pa syang makuhang dagdag na barya. Tinitignan nya ang mga dumadaan. May mga babaeng nakamake-up pa, maganda ang buhok, damit, at sapatos. Mababango din ang amoy nila. Nakita din nya ang isang pamilyang naglalakad. Ang ama, ina at ang kanilang anak na hawak-hawak nila sa parehong kamay. Nainggit ang bata. Kung hindi sana sya namatayan ng ama at ina, baka wala sya sa kinalalagyan nya ngayon. Baka nasa loob sya ng isang bahay na mayroong mainit na tsokolateng inihanda para sa kanya ng kanyang ina, at tinuturuan naman sya ng kanyang ama sa mga gawain sa eskwelahan. Ngunit hindi naman ganon ang nangyare. Ang ama nya ay nasangkot sa isang away sa inuman at nasaksak nang hindi oras. Ang ina nya ay lalong naghirap dahil wala na silang pangbayad sa ospital para sa kanyang sakit sa baga. Mahilig kasi manigarilyo ang kanyang ina. At nang lumala pa lalo ang sakit nito, hindi na nakayanan ng ina ang kanyang kalagayan at bumigay na din. Ang bahay naman nila ay nabaha at nasira. Lahat ng kagamitan nila ay natangay ng baha o di kaya’y nanakaw na.
Sa tagal ng paglilipad ng isip ng bata ay di nya napansin na dumidilim na pala. Tinignan nito ulit ang kanyang baso at apat na 1 piso lamang ang nadagdag. Nagpasya na syang maghanap ng kanyang panghapunan bago dumating ang ulan. Habang sya’y naglalakad, nakaamoy sya ng isang mabangong amoy. Amoy ito ng paborito nyang ulam na adobo. Hinanap nya ang pinanggagalingan ng amoy na ito at napadpad sya sa isang karinderia. Tinanong nya kung magkano ang adobo. “Ate, magkano ‘ho yung adobo?” tanong ng bata. “Trenta yan. Wala pang kanin yon,” sagot ng aleng nagtitinda, habang pinapakain ang mga alaga nitong aso sa tabi ng karinderia. Kulang ang pera ng bata. Ngunit gusto nya talagang kumain nito. Sinubukan nyang humingi na lang kahit kaunti lamang. “Ate, baka pwede naman pong humingi na lang ng adobo. Gutom na ‘ho kasi ako, at wala po akong pera.” “Kung wala kang pangbayad, hindi ka namin papakainin ng adobong pata.” “Sige na pahingi na, eto naman oh.” “Ano ba yan, tahol ng tahol na nga yung aso, pati tao nakikigulo din! Alis nga kayo dito lahat! Alis! Mga istorbo!” Sumuko na ang bata at umalis na lamang. Nang sya’y papalakad palayo, may narinig syang tumatawag sa kanya. “Bata, bata!” Lumingon ang bata at nakita nya ang isang babaeng may hawak na dalawang supot. “Eto bata o, busog na kasi ako at di ko maubos ung inorder ko. Kaya pinasupot ko na lang. Sayo na to. Wala namang kakanin nito sa bahay namin.” “Wow! Sigurado ho kayo? Salamat po!” Inabot ng babae ang supot ng pagkain at umalis na. Natuwa ang bata na may mga taong may magandang kalooban pa pala dito sa mundo.

Naghanap sya ng magandang pwesto na may silong dahil nagsisimula nang pumatak ang ulan. Nakakita sya ng isang “waiting shed” at doon na namalagi. Inilatag nya ang kanyang higaang karton. Itinabi din nya ang plastik na baso sa tabi nya, sakaling may magbigay pa sa kanya ng barya. Binuksan na nya ang supot at nakitang adobo ang laman ng binigay sa kanya ng babae. Sinimulan na nyang kainin hangga’t sa naubos na nya ito. Inisip nya na sana’y ganito sya lagi kaswerte para di na sya mamroblema sa paghingi ng pagkain.
Pagkatapos kumain itinapon na nya ang supot na pinagkainan nya sa basurahan malapit sa kanyang tabi. Madilim na at bumuhos na ang ulan. Dumoble ang lamig ng hangin at nagdasal ang bata na sana hindi sya abutan ng baha dahil katabi lang nya ang kanal sa may kalsada. Kinuha na nya ang kanyang basong may laman na barya. Nilagay nya ito sa kanyang supot at itinali sa kanyang kamay para hindi na liparin. Sa pagod ng bata, naghanda na itong matulog dahil maaga pa sya bukas sa paghingi ng barya. Pumosisyon na sya at niyakap ang plastik na baso na laman ay ang baryang nakuha nya noong araw na iyon. Unti unti pumikit ang mata nito at tuluyan nang nakatulog.

8 comments:

Anonymous said...

Ganda po ng kwento :)

Marga M. said...

Gaaaah may nakakabasa pala nitooo =)) Ang tagal ko na ding di nag uupdate eh. Pero salamat! :D

Anonymous said...

yeahhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhh

kevin troy said...

thank u po sa assignment







xhunter0820 said...

ganda ng kwento pero parang nkakabitin.

xhunter0820 said...

ganda ng kwento pero parang nkakabitin.

Marga M. said...

Maikling kwento lang kasi! kaya bitin. Haha. The story can do with a bit of work, though, I must admit. :)

Song Eun-Kyung said...

nice story.. nakaka touch..has a lesson too..^_^

Post a Comment

GO YOU! :)